Monday 12 June 2017

Tulong ng Amerika sa Marawi, PINASALAMATAN

   

Matapos itanggi ni Pangulong Duterte na humiling ng tulong sa Amerika ang gobyerno ng Pilipinas, sinabi ngayon ng tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tropa ng Pilipinas ang humingi ng tulong mula sa Amerika.
Ilang sundalong Amerikano ang namataan sa Marawi ngayong araw, pero iginiit ng AFP na hindi sumasabak sa mismong bakbakan ang mga sundalong Amerikano. 
Nauna nang iniulat ng Reuters ang sinabi ng isang opisyal ng Amerika na kabilang sa suportang ibinibigay nila sa tropa ng Pilipinas ang aerial surveillance at targeting, electronic eavesdropping, communications assistance, at training.
Hindi man alam ni Duterte na may papel na ang Amerika sa bakbakan, nagpasalamat na rin siya sa tulong. Tinanggap ng Pangulo ang tulong sa kabila ng naging pahayag niya noong ayaw na niyang makita ang tropa ng Amerika sa Mindanao.
Ganito rin ang tono ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na nanindigang walang hininging tulong ang gobyerno ng Pilipinas sa Amerika. Pero nagpasalamat siya sa mahalagang tulong ng Amerika lalo na pagdating sa aerial surveillance para matukoy nang tiyak ang lokasyon ng mga terorista. Mag-a-anim na araw na umanong tumutulong ang Amerika sa operasyon ng AFP.
Puwede sa defense treaty at VFA
Paliwanag ni Professor Rommel Banlaoi ng Philippine Institute for Peace, Violence, And Terrorism Research, pinapayagan sa ilalim ng Mutual Defense Agreement at Visiting Forces Agreement ang pagtulong ng Amerika, maliban sa aktuwal na pakikipagbakbakan. 
Maaari aniyang tumulong ang Amerika sa pagsasanay ng mga sundalong Pinoy, pagbahagi ng intelligence, at technical assistance. Maaari lang sumabak sa laban ang sundalong Amerikano kung ito’y sa ngalan ng pagdepensa sa sarili.
Sa isang tweet, ipinakita ni U.S. Ambassador to the Philippines Sung Kim ang mga gamit pandigma na ibinigay ng Amerika sa AFP bilang tulong sa counter-terrorism efforts ng Pilipinas. 
Ayon sa embahada ng Amerika, kaagapay ng AFP commanders ang U.S. non-combatant support sa laban sa Maute at Abu Sayyaf. Tuloy rin ang pagkonsulta ng Amerika kung paano pa ito mas makatutulong sa mga hakbang kontra terorismo ng administrasyong Duterte. 
Depensa ng Maute, pinatitindi ng 'foreign fighters' 
  
Tatlong linggo na ang sagupaan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at Maute group sa Marawi City.
Isa sa nakikitang dahilan ni dating AFP Chief Rodolfo Biazon kung bakit di tuluyang nagagapi ang mga rebelde ay ang madaling paglabas-masok sa Marawi ng mga kakampi ng Maute mula sa ibang parte ng Mindanao.
Ang nakikitang dahilan naman ni dating National Security Adviser Jose Almonte sa tila hindi mabasag na depensa ng mga rebelde ay ang matinding pagdadamayan daw ng mga kapatid nating Muslim sa oras ng pagsubok.

Sa tingin ni Sen. Panfilo Lacson, tumatagal ang digmaan dahil sa ‘guerilla warfare’ na estilo ng bakbakan ngayon sa pagitan ng gobyerno at mga terorista. Ibig sabihin, hindi agad makilala ang kalaban lalo na kapag may mga pumapagitnang sibilyan. Puna pa ng senador, kulang sa mga makabagong gamit ang tropa ng gobyerno. Gayunman, naniniwala siyang sandali na lang matatapos na ang sagupaan dahil tuloy ang pagbawi ng gobyerno sa mga hinahawakang lugar ng Maute group. 
Pero duda naman si Almonte na matatapos na agad ang krisis dahil tila pabago-bago raw ang sitwasyon sa Marawi araw-araw.
Nandawit ng senador sa mga terorista, haharapin
Dismayado naman ang ilang mambabatas dahil hindi nangyari ang ipinangako umanong public apology ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre kay Sen. Bam Aquino dahil sa pagdawit ng kalihim sa senador sa bakbakan sa Marawi.
Wala ring senyales na hihingi ng dispensa si Aguirre kina Sen. Antonio Trillanes IV, Magdalo party-list Rep. Gary Alejano, at dating Presidential Political Adviser Ronald Llamas na iniugnay rin ng kalihim sa krisis.
Di na raw hihintayin ng grupo ang ‘sorry’ ni Aguirre pero inaaral na raw nila ngayon ang posibleng pagkakaso sa kalihim pati na ang paghahain ng disbarment case, o ang petisyon para alisin ang ‘titulong’ abogado kay Aguirre.
Pinayuhan din ng mga mambabatas si Aguirre, pati ilang opisyal pang-komunikasyon ng gobyerno, na maghanda na ng kanilang ihaharap na patunay sa tinatawag nilang ‘intelligence information’ kapag ipinatawag ng Senado sa pagbabalik sesyon ng Kongreso.

Sa isang pahayag naman, tinawag ni Aguirre na ‘aksaya ng panahon’ ang hinihingi sa kaniyang ‘sorry’ ng mga mambabatas. Aniya, dapat pa nga raw magpasalamat ang mga taong naakusahan dahil magkakaroon sila ng pagkakataong linisin ang kanilang pangalan sakaling matuloy ang imbestigasyon sa kanila.
Kinastigo naman ng mga taga-oposisyon si Aguirre sa utos niyang siyasatin ng National Bureau of Investigation ang mga kontra sa administrasyong Duterte dahil sa umano'y pagsusulong nila ng destabilisasyon. Nakiisa ang mga mambabatas ng oposisyon sa ‘Defend Democracy’ summit na idinaos kasabay ng Araw ng Kalayaan. Naroon din sa okasyon si Bise Presidente Leni Robredo. 
-- Ulat nina Willard Cheng at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Source :: ABS-CBN News

0 comments:

Post a Comment